Mt. Halcon, itinuturing na pinakamahirap akyatin na bundok dito sa atin. Ngunit ang taglay nitong kagandahan ang syang humihikayat sa maraming mountaineers na puntahan ito sa kabila ng hirap na haharapin. Ang mga Mangyan ang sinasabing lokal na naninirahan sa mga kabundukan ng Mindoro kung saan kabilang ang Mt. Halcon.
Sa ilang ulit na pag-akyat ng Adventure Trekkers Mountaineering Club (ADTREK) dito, nakita namin ang pangangalaga ng mga Mangyan sa kabundukang ito. Dito rin namin nasaksihan ang payak nilang pamumuhay. Isa sa popular exit routes ng ADTrek ay sa Brgy. Lantuyang, Baco, Oriental Mindoro. Dito matatagpuan ang isa sa maraming Mangyan Village, ngunit may mga mangyan na nananahan pa rin sa kabundukan. Pagdadala ng mga prutas at gulay sa kabihasnan ang isa sa ikinabubuhay dito habang ang iba ay inuupahan upang magtabas ng damo at maggamas.
Sa mga panahong may nawawala o naaksidenteng mga mountaineers dito, kabilang sila sa mga nangunguna sa pagtulong sa paghahanap. Pagtulong na kadalasan ay di nalalaman ng karamihan sa atin dito sa kapatagan. Tulad na lamang ng nangyari nuong November 2004, sila ang mga nagsilbing guide at katulong ng mga search and rescue unit ng mga kinauukulan at ilang mountaineeriong groups.
Sa kabila ng kagandahan ng kanilang lugar, masasabing salat sila sa mga pangangailangan sa pag-aaral. Sa aming huling pagdalaw, napag-alaman namin na ang mga silid aralan dito ay walang mga ilaw. Nagsusumikap ang bawat mag-aaral sa kabila ng kadiliman lalo na sa mga panahong umuulan. Pagsisikap na syang tinutumbasan ng kanilang mga guro. Kakulangan sa mga aklat at kagamitan sa pag-aaral ang masasabing isa rin sa kanilang pangangailangan. At sa tuwing sasapit ang tag-ulan ay tila nababawasan ang sigla ng ilang mga bata na magsipasok dahil sa sila’y mga nababasa sa paglalakad pati na rin ang kanilang mga gamit. Masasabi rin na ang kakulangan sa guro ang pinakamatinding problema dito. Sa 101 na mag-aaral, mula kinder hanggang ika-anim na baitang, ay dalawa lamang na guro ang nagtuturo dito. Sadyang malayo ang kalagayan nila kumpara sa mga mag-aaral na nasa lungsod.
Sa kabila ng kahirapan, nakatutuwang malaman na marami pa rin sa kanila ang nagsusumikap na mag-aral upang marahil kahit paano ay makaahon sa paghihirap. Ang mga sulat sa mga pinaglumaang notebook ay kanilang binubura upang muling magamit. Ang mga lapis ay patuloy na ginagamit hangang sa may pambura, at may natititrang carbon filling. Ang ilan ding mga bata dito ay kinakailangan pang maglakad ng 2 hanggang 4 na kilometro upang makapasok lang.
Masasabing hindi lamang ang lugar na ito ang naghihirap at maraming kakulangan sa pag-aaral ng mga bata. Marami pang komunidad sa maraming probinsya ang may ganito ring problema. Kung ating iaabot sa kanila ang ating mga kamay, hindi ba't masayang malaman na may ilang bata tayong natulungang simulan ang pag-abot ng kanilang mga munting pangarap? Mga batang syang sinasabi nating pag-asa ng ating bayan.
Ang pamunuan ng ADTREK sampu ng mga kasapi nito ay nagpasyang tulungan ang mga kapatid nating mga Mangyan ng Lantuyang. Ito ay bilang pagkilala sa kanilang pangangalaga ng kabundukan ng Halcon at ang walang sawa nilang pagtulong sa napakaraming mga umaakyat dito. Ang bawat sentimo at pahina ng mga aklat na ating maibabahagi ay karagdagang kaalaman at pag-asa para sa mga kabataang Mangyan.
At nuon ngang nagdaang Decmeber 3-4, sa tulong ng bawat kasapi ng ADTREK at ng ilang mga kaibigan at kasamahang volunteers, pinagkaluoban ang bawat bata sa Lantuyang Elementary School ng school supply package, na naglalaman ng mga, notebooks, pad papers, mga lapis, pambura etc. Mayroon ding mga bag, payong. Nagbigay din ng mga luma at bagong libro para sa kanilang gagawing munting silid-aklatan. Maging ang ilang kagamitan sa pagtuturo ng mga guro ay ipinagkaluob din ng grupo. At bilang tulong sa madilim nilang paaralan, ay kinabitan din ng mga ilaw ang bawat kwarto dito at binigyan din ng ilang pamalit. At sa dami ng sumuporta, nagawa ring ipatapos ang kanilang palikuran.
"Lubos na lubos kaming nagpapasalamat sa inyo na nagbigay tulong sa mga estudyante ng Lantuyang Elementary School, ito ang kaunaunahang pagkakataon na nangyari ito sa lugar na ito. Nawa'y pagpalain pa kayo ng Diyos para hindi lang ito ang maging huli kundi umpisa pa lang ng pagtulong ninyo sa mga Mangyan. Pwede nyo po ba kaming ampunin na?..."
Ilan lamang ito sa mga katagang binitawan ng mga nagsalita galing sa barangay at paaralan. kung inyo lamang narinig ang kanilang mga pasasalamat ay sadyang mawawala ang pagod mo sa lahat ng paghahandang ginawa para sa proyektong ito.
Simpleng ngiti mula sa mga bata ay sapat na upang mapawi ang pagod ng mga ADTREK members and volunteers sa outreach program na ito. walang anumang bagay ang pwedeng humigit pa sa taos pusong pasasalamat at saya ng bawat batang mangyan kapalit ng aming munting nakayanang handog para sa kanilang pag-aaral.
Bagama't sinasabi nilang marami at malaki ang naitulong natin sa kanila, nakita at alam nating marami pa rin silang pangangailangan para sa pag-aaral ng kanilang mga kabataan. Hindi ba't ang pabirong sabi nga nila ay ampunin na natin sila? Alam nating kahit anung pagsisikap ang gawin nila ay sadyang mahirap, kundi man imposible, na maiangat nila ang antas ng edukasyon sa kanilang lugar kung walang tutulong sa kanila. Kaya nga ba natin silang ampunin?
Sa munting naibahagi ng grupo, bawat volunteers at donors, maraming mga bata maging ang kanilang mga magulang ang nakaramdam ng saya at bagong pag-asa. At sa lahat ng tumulong sa kahit anung paraan, taos puso po ang pasasalamat ng ADTREK lalung lalo na ang mga batang Mangyan ng Lantuyang....
Nawa'y hindi ito ang una't huling pagkakataon na makakatulong tayo sa mga kapos palad nating mga kababayan. Wag din sana kayong magsasawang suportahan ang mga susunod pang project ng ADTREK.
muli ang aming pasasalamat sa mga tumulong upang maisakatuparan ang lahat ng ito.
"bunton buwaywa mga kalo" maraming salama po mga kaibigan
--- ADTREK-MC ---
... click here for more pictures...
... read related article....